Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan. Kapag dala
ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw
sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang
isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sisigawan mo ako.Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang
sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!" paki-ulit
nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang. Pasensya ka na, anak.
Matanda na talaga ako.Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang
tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa
lamang lumakad.Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at
paulit ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo nalang ako.
Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.
Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-
ulit mo 'yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo
nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda,
amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang
katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong
pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kitang
habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit, dala na
marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit
sandali lang. inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang
kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo
na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi
ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka
pa? Pinagtiyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong
kwento tungkol sa iyong teddy bear.At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at maratay
sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.
Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan.
Pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking
buhay tutal hindi na naman ako magtatagal.Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana
ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang
kamatayan.At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na
lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagapalain ka sana ... dahil
naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...-Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles
CWL Spiritual Director
St. Augustine Parish
Baliuag, Bulacan
My Interests
god, life, sports, design, more designs and my girlfriend.